2-0 SA NUGGETS, KNICKS, CAVALIERS

ISINALPAK ni Jamal Murray ang isang step-back jumper habang paubos ang oras, at humabol ang host Denver Nuggets mula sa 20-point deficit upang dispatsahin ang Los Angeles Lakers, 101-99, sa Game 2 ng NBA Western Conference quarterfinal series.

Nag-dribble si Murray,  nahirapan sa shooting sa buong laro, sa baseline at nagpakawala ng isang 15-footer sa harap ng outstretched hand ni Anthony Davis upang bigyan ang Denver ng 2-0 series lead.

Nakatakda ang Game 3 sa best-of-seven series sa Huwebes sa Los Angeles.

Tumapos si Murray na may 20 points sa 9-for-24 shooting, subalit pumutok sa mga huling minuto.

Kumana si Nikola Jokic ng 27 points, 20 rebounds at 10 assists habang umiskor si Michael Porter ng 22 para sa Nuggets, na tinalo ang Lakers sa 10 sunod na paghaharap sa regular season at postseason.

Humataw si Davis ng 32 points at 11 rebounds subalit gumawa lamang ng 2 points sa huling 22 minuto. Nag-ambag si LeBron James ng 26 points, 12 assists at 8 rebounds at isinalpak ni D’Angelo Russell ang anim sa kanyang pitong 3-pointers sa first half at tumapos na may 23 para sa Los Angeles.

Knicks 104,
76ers 101

Ibinuslo ni Donte DiVincenzo ang go-ahead 3-pointer, may 13.1 segundo ang nalalabi, para sa host New York Knicks, na naitala ang huling walong puntos upang gulantangin ang Philadelphia 76ers at kunin ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference first-round series.

Gaganapin ang Game 3 ng best-of-seven series sa Huwebes ng gabi sa Philadelphia.

Nagposte si Josh Hart (21 points, 15 rebounds) ng double-double para sa Knicks habang tumapos si Jalen Brunson na may 24 points, 8  rebounds at 6  assists. Tumipa si DiVincenzo ng 19 points habang nagtala rin sina Isaiah  Hartenstein (14 points) at OG Anunoby (10 points) ng double figures.

Kinapos si Tyrese Maxey ng isang rebound para sa triple-double (35 points, 10 assists, 9 rebounds). Naitala niya ang unang siyam na puntos ng laro para sa 76ers — na itinarak ang 10-point lead ng anim na beses sa first half — at umiskor ng 11 points sa fourth quarter.

Nagbuhos si Joel Embiid, na kuwestiyonable dahil sa chronic left knee injury, ng 34 points at 10 rebounds. Na-outscore ng Knicks ang 76ers, 11-7, sa huling apat na minuto ng third habang nasa sidelines si Embiid na nilalagyan ng yelo ang kanyang tuhod.

Cavaliers 96,
Magic 86

Tumirada si Donovan Mitchell ng 23 points at 8 rebounds at nakakolekta si Jarrett Allen ng personal-playoff-high 20 boards upang pangunahan ang Cleveland Cavaliers sa panalo laban sa bisitang Orlando Magic at kunin ang 2-0 bentahe sa kanilang Eastern Conference first-round series.

Gumawa si Evan Mobley ng 17 points, tumipa si Allen ng 16 at nagdagdag si Darius Garland ng 15 para sa fourth-seeded Cavaliers. Nag-ambag si Isaac Okoro ng 10 points at 4 steals para sa Cleveland.

Umiskor si Paolo Banchero ng 21 points at nagdagdag si Franz Wagner ng 18 points at 7 rebounds para sa Magic. Kumabig si Gary Harris ng 14 points at nagposte si Moritz Wagner ng 12.

Nakatakda ang Game 3 ng best-of-seven series sa Huwebes sa  Orlando.