2-0 SA WARRIORS, 76ERS; MAVS TUMABLA

KUMANA si Stephen Curry ng 34 points mula sa bench at nagbuhos si Jordan Poole ng 29 points at 8  assists nang iposte ng Golden State ang 126-106 panalo kontra Denver noong Lunes ng gabi sa San Francisco.

Nagdagdag si Klay Thompson ng 21 points para sa Warriors na kinuha ang 2-0 kalamangan sa Western Conference first-round series. Kumabig si Andrew Wiggins ng 13 points at 8 rebounds para sa Golden State, na nanalo sa unang dalawang laro na may average na 18 points.

Nakalikom si Nikola Jokic ng 26 points at 11 rebounds para sa Nuggets bago nakuha ang kanyang ikalawang  technical foul para mapatalsik sa laro, may pitong minuto sa orasan.

76ERS 112,

RAPTORS 97

Tumabo si Joel Embiid ng 31 points at 11 rebounds upang pangunahan ang host Philadelphia kontra Toronto at kunin ang 2-0 lead sa kanilang Eastern Conference opening-round playoff series.

Tumapos si Tyrese Maxey na may 23 points, 9 rebounds at 8  assists, nag-ambag si Tobias Harris ng 20 points at 10 rebounds at kumubra si James Harden ng 14 points para sa Sixers na naidepensa ang kanilang home court sa pares ng panalo. Ito ang ika-100 career playoff win para kay head coach Doc Rivers.

Nanguna si OG Anunoby para sa  Raptors na may 26 points, nagdagdag si Fred VanVleet ng 20 at kumubra si Pascal Siakam ng 20 points at 10 rebounds. Umiskor din si Chris Boucher ng 17. Naglaro ang Raptors na wala si Scottie Barnes, na nagtamo ng ankle injury sa Game 1 nang mabagsakan siya ni Embiid.

MAVERICKS 110,

JAZZ 103

Nagpasabog si Jalen Brunson ng  41 points, nagdagdag si Maxi Kleber ng 25 at nag-init ang host Dallas Mavericks sa labas upang malusutan ang pagliban ni superstar Luka Doncic at maitakas ang 110-104 panalo kontra Utah Jazz.

Ang  first-round Western Conference playoff series ng dalawang koponan ay tabla sa 1-1 papasok sa mga laro sa Salt Lake City sa Huwebes at  Sabado.

Naitala ni Kleber ang lahat maliban sa isa sa kanyang mga puntos mula sa arc, bumuslo ng 8-for-11 mula sa 3-point range, at gumawa si Brunson ang anim na tres. Naipasok ng Dallas ang 22 sa 47 attempts (46.8 percent) mula sa long distance, habang kumonekta ang Utah ng 11 of 29 (37.9 percent) mula sa labas. Nag-ambag si Dallas’ Spencer Dinwiddie ng 17 points at 6  assists, habang nagtala si Reggie Bullock ng11 points.

Kumamada si Donovan Mitchell ng 34 points, tumipa si Bojan Bogdanovic ng 25 at nagdagdag si Jordan Clarkson ng 21 para sa Jazz, na hindi napanatili ang kalamangan na kanilang hinawakan sa malaking bahagi ng second half.