Mga laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. – San Miguel vs Ginebra
8 p.m. – Magnolia vs Phoenix
PUNTIRYA ng Magnolia at San Miguel Beer ang ikalawang sunod na panalo at lumapit sa finals sa magkahiwalay na laro sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals ngayong Biyernes sa Mall of Asia Arena.
Haharapin ng Hotshots ang Phoenix Fuel Masters sa alas-8 ng gabi matapos ang 4 p.m. duel ng Beermen at defending champion Barangay Ginebra Gin Kings.
Tinalo ng Magnolia ang Phoenix, 82-79, at naungusan ng SMB ang Barangay Ginebra, 92-90, sa Game 1.
Gagamitin nina SMB coach Jorge Galent at Magmolia mentor Chito Victolero na tuntungan ang series opener win para sa ikalawang sunod na panalo at ma-sweep ang best-of-five semis.
Sa kabila na nasa kanila ang momentum ay ayaw magkumpiyansa ni Victolero at pinaalalahan niya ang kanyang mga player na huwag magkampante at pagbutihin ang kanilang laro para masiguro ang panalo.
“We won Game 1. It doesn’t mean we will relax in our game. No, not that. We will play better and sharpen our shooting to ensure victory,” sabi ni Victolero.
“We have to be prepared because Phoenix is all out and determined to get back at us and even the series,” dagdag pa niya. Target ni Victolero ang ikalawang PBA title at wakasan ang anim na taong tagtuyot matapos manalo sa 2016 Governors’ Cup laban sa Alaska.
Si Tyler Baik Bey ang bayani sa Game 1 kung saan kumana ang NBA veteran ng three-point play at free throws sa foul ni Kenneth James Tuffin at kumalawit ng defensive rebound sa split charity ni Jonathan Williams sa huling dalawang minuto.
Muling pangungunahan ni Bey ang opensiba ng Magnolia katuwang sina Paul Lee, Andy Marck Barroca, Calvin Abueva, Jio Jalalon, Ian Sangalang at Rome de la Rosa laban sa tropa nina Williams, Jason Perkins, Rafael Joey Jazul, Jayvee Mocon, Tyler Tio, at Sean Athony.
Sasandal naman si SMB coach Galent kay Benny Boatwright laban kay Tony Bishop para makadikit sa best-of-seven finals.
Si CJ Perez ang nagpanalo sa SMB sa Game 1 at inaasahang muling magpapakitang-gilas ang NCAA standout ng Lyceum of the Philippines University sa Game 2, kasama sina June Mar Fajardo, Terrence Romeo, Jericho Cruz, at Moala Tautuaa.
“Semifinals na ito. Kailangang maglaro kami nang husto. Ang goal namin pumasok sa finals at gagawin namin ang lahat,” sabi ng Filipino-Nigerian na si Perez na ipinanganak sa Basista, Pangasinan.
CLYDE MARIANO