TINANGKANG umiskor ni San Miguel Beer import Bennie Boatwright laban kay Rome dela Rosa ng Magnolia sa Game 1 ng PBA Commissioner’s Cup finals noong Biyernes sa Mall of Asia Arena. PBA IMAGE
Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
6:15 p.m. – Magnolia vs San Miguel
PUNTIRYA ng San Miguel ang 2-0 bentahe habang sisikapin ng Magnolia na makaresbak sa Game 2 ng PBA Commissioner’s Cup best-of-seven title playoff ngayong Linggo sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakatakda ang laro sa alas-6:15 ng gabi, kung saan batid ng Beermen na sa kabila ng kanilang lakas, kailangan nilang maglaro nang husto sa buong apat na quarters laban sa koponan na tulad ng Magnolia.
“Kailangang maging composed at ‘yung energy namin mas taasan pa kasi ang Magnolia, hindi talaga titigil hangga’t hindi natatapos ang laro,” wika ni San Miguel coach Jorge Gallent, na inaasahan ang pagresbak ng Magnolia.
“I’m sure they’re going to come out strong and we will have to match their intensity and energy kasi as what you saw, in the last three minutes (of Game 1) they poured out their energy while we relaxed,” sabi ni Gallent.
“When you play a tough team like Magnolia, you’ll have to play 48 minutes of basketball, because if you don’t, this is going to happen,” ani San Miguel slasher/gunner CJ Perez.
Ang Beermen ay lumamang ng hanggang 20 puntos sa Game 1, subalit kinailangang malusutan ang paghahabol ng Hotshots upang maitakas ang 103-95 panalo.
Malinaw na naging isyu para sa Magnolia sa series kickoff ang pagkapagod.
Subalit sa ipinakita ng Hotshots, sa pangunguna nina Aris Dionisio, Joseph Eriobu at Russell Escoto, hindi malayong makabawi ang Magnolia at itabla ang serye.
“We’re still positive. This is a series, not a do-or-die (game). Ang importante ngayon is paano kami makakabalik,” sabi ni Magnolia coach Chito Victolero.
CLYDE MARIANO