DINEPENSAHAN ni Brandon Bates ng Meralco si June Mar Fajardo ng San Miguel sa Game 1 ng PBA Philippine Cup Finals noong Miyerkoles sa Araneta Coliseum. PBA PHOTO
Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7:30 p.m. – San Miguel vs Meralco
(Game 2, best-of-7 final series)
KAILANGANG pagtrabahuhan nang husto upang talunin ang San Miguel Beer ng dalawang sunod, ngunit determinado ang Meralco na doblehin pa ang kanilang pagsisikap sa Game 1 upang makopo ang a 2-0 bentahe sa PBA Philippine Cup Finals.
Bagama’t kumarera sa 93-86 panalo sa series opener noong Miyerkoles, ang Bolts ay nananatiling ‘underdogs’.
Subalit malalampasan ni coach Luigi Trillo at ng kanyang Bolts ang matinding hamon kapag napanatili nila ang init sa kanilang Game 1 win at makaulit sa Game 2 na nakatakda ngayong 7:30 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi na kailangang sabihin, magiging isa itong napakalaking trabaho.
Abante ang Beermen sa malaking bahagi ng laro noong Miyerkoles, kinuha ang pitong puntos na kalamangan papasok sa halftime break, at tangan pa rin ang bentane sa pagsisimula ng fourth.
Subalit bumanat ang Bolts ng 9-3 opening punch sa payoff period at ng mas malakas na atake upang sementuhan ang panalo sa kanilang kauna-unahang laro sa All-Filipino finals.
Sisikapin ngayon ni Chris Newsome at ng kanyang teammates na mapanatili ang kanilang efficiency sa execution at ang kanilang kahandaan na malusutan ang inaasahang pagresbak ng San Miguel Beer.
“We felt in the first half we weren’t doing the game plan. They (SMB) were getting points off turnovers and fastbreak points and they’re beating us in a lot of categories. In the second half, we’re able to do what we wanted to do and stop them from doing what they wanted,” sabi ni Trillo.
Gayunman ay makatotohanan lamang ang Bolts mentor na nakakaisang panalo pa lamang sila at kailangan nilang magpokus sa susunod.
Ang katanungan ay kung paano mauulit ang bentahe ng Bolts sa Beermen, 88-72, sa field goal tries, 20-14 sa offensive rebounds, 23-18 sa assists, 18-12 sa points mula sa turnovers, at 17-13 sa fastbreak points.
Sinabi ni Trillo na isa itong collective effort nina Newsome, Allein Maliksi, Chris Banchero, Cliff Hodge, Bong Quinto, Raymond Almazan at Brandon Bates.
At nariyan sina Anjo Caram, Kyle Pascual at Norbert Torres na nagbigay ng quality minutes.
Samantala, kailangan ng Beermen na kayanin ang iba’t ibang defensive looks para kay June Mar Fajardo, apat na quick fouls ni CJ Perez at ang pagkawala ni Terrence Romeo.
Subalit mahaba pa ang serye, at taglay ng Beermen ang lahat ng sandata, karanasan at motibasyon upang magtagumpay.
CLYDE MARIANO