2-0 TARGET NG GIN KINGS, TROPANG GIGA

ginebra-talk n text

Mga laro ngayon:

AUF Gym

3:45 p.m. – Ginebra

vs Meralco

6:30 p.m. – TNT

vs Phoenix

PUNTIRYA ng Barangay Ginebra at Talk ‘N Text ang ikalawang sunod na panalo at lumapit ng isang hakbang sa kanilang titular show-down sa Game 2 ng best-of-five PBA Philippine Cup semifinals ngayon sa Angeles University Foundation Gym sa Angeles City, Pampanga.

Kapwa mataas ang morale sa kanilang panalo sa Game 1 upang maagang kunin ang bentahe, haharapin ng Gin Kings ang Meralco Bolts sa alas-3:45 ng hapon habang sasagupain ng Tropang Giga ang Phoenix Fuel Maters sa alas-6:30 ng gabi.

Pinahina ng Barangay Ginebra ang boltahe ng Meralco, 96-79, at inalisan ng TNT ng gasolina ang Phoenix, 95-92, sa pagsisimula ng semis series noong Miyerkoles.

Sa kabila na nakauna ay hindi dapat magkumpiyansa at mag-relax ang Kings at Tropang Giga dahil siguradong reresbak ang Meralco at Phoenix para maitabla ang serye at bigyang buhay ang kanilang title campaign.

“We have to be consistent on our defense because for sure they’re gonna come back any time,” wika ni TNT coach Bong Ravena.

“Especially in Game 2, we have to be ready also because babalik iyan, eh. Hindi naman magpapabaya Phoenix. We know that,” dagdag ni Ravena.

Muling aasa ang TNT sa mainit na mga kamay nina Roger Pogoy, Jayson Castro, Troy Rosario at Ryan Reyes laban kina Matthew Wright, Calvin Abueva, RJ Jazul at Jayson Perkins.

Sa kabila na lamang sa billing ay sinabi ni Ginebra coach Tim Cone na kailangang maglaro nang husto ang kanyang tropa at huwag magpabaya para masiguro ang panalo.

“Every game in the best-of-five series counts. I reminded my players to stay alert and focused because Meralco is determined to get back at us. We will play with the same intensity and utilize all available resources to win,” sabi ni Cone.

Pangungunahan ng deadly troika nina Stanley Pringle, LA Tenorio at Scottie Thompson ang opensiba ng Ginebra at babantayan nina twin towers Japeth Aguilar at Greg Slaughter ang low post.

Sa kabila na natalo sa Game 1 ay buo pa rin ang loob ni Meralco coach Norman Black at hinimok niya ang kanyang mga player na gawin ang lahat para maitabla ang serye.

Masusing ni-review ni Black ang Game 1 at inalam kung saan sila nagkamali at nagkulang at tinambakan ng Barangay Ginebra kung saan umiskor si Pringle ng 19 points at dinomina ni Aguilar ang shaded lane.

Naging malamya ang laro ng Bolts taliwas sa ipinakita nila nang hubaran ng korona ang defending champion San Miguel Beer sa quarterfinals.

“I told my players to forget Game 1 and focus their attention in Game 2. I reminded them to sharpen their offense and toughen their defense to prevent the enemy from penetrating the shaded lane,” sabi ni Black.

Muling sasandal si Black sa kanyang mga kamador na sina Baser Amer, Chris Newsome, Allein Maliski, Cliff Hodge at Reynel Hugnatan at ang kanyang bigmen na sina 6’7 Raymond Almazan at Brian Faundo ang mamamahala sa low post. CLYDE MARIANO

Comments are closed.