Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area
SISIKAPIN ng Barangay Ginebra na masikwat ang ikalawang sunod na panalo at lumapit ng dalawang laro sa korona sa Game 2 ng best-of-seven PBA Commissioner’s Cup finals ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.
Nakatakda ang salpukan sa alas-5:45 ng hapon.
Determinado ang Kings na mapanatili ang dominasyon sa Hong Kong-based guest team na dalawang sunod nilang tinalo, kasama ang 111-93 panalo sa eliminations.
Mataas ang morale at nasa kanila ang momentum sa panalo sa Game 1, ima-maximize ng Barangay Ginebra ang bentahe para makuha angikalawang sunod na panalo.
Muling pangungunahan ni resident import Justin Brownlee ang opensiba ng Kings, katuwang sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Christian Standhardinger at Stanley Pringle.
Puntiya ni Brownlee ang ika-6 na panalo bilang import ng Barangay Ginebra.
Muling makikipagtagisan ng galing ang 32-anyos na American import kay Canadian NBA veteran Andrew Nicholson.
Mahalaga ang tagumpay ng Ginebra kay Thompson sa hangaring mapasakamay ang Best Player of the Conference award at samahan sa elite group sina nine-time winner June Mar Fajardo, Danny Ildefonso, Jayson Castro, Alvin Patrimonio, Arwind Santos, Allan Caidic, Vergel Meneses, Kenneth Duremdes, Jerry Codinera, Nelson Asaytono, Willie Miller, Jayjay Helterbrandt at Danny Seigle.
Sa kabila na nasa kanila ang momentum, ayaw magkumpiyansa ni coach Tim Cone at pinaalalahanan ang kanyang mga player na maglaro nang husto para masiguro ang panalo.
“We have to play our best out there to win. We have to be prepared and ready because our rival is determined to get back at us,” sabi ni Cone.
Si Cone ay kilala bilang “Dean of Filipino Coaches” dahil siya ang may pinakamaraming titulo sa PBA na nasa 24, kasama ang dalawang grandslam.
Inamin ni Dragons coach Brian Goorjan na na-outclass ang kanyang tropa ng Barangay Ginebra sa Game 1.
“We’re badly outclassed offensively and defensively and outrebounded. We have to regroup, stay focused and concentrate in our game to win and tie the series,” sabi ni Goorjan.
CLYDE MARIANO