2-0 TARGET NG GINEBRA, TNT

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5 p.m. – Rain or Shine vs TNT
7:30 p.m. – San Miguel vs Ginebra

SISIKAPIN ng Barangay Ginebra at TNT na maiposte ang 2-0 bentahe sa magkahiwalay na laro sa Game 2 ng PBA Governors’ Cup semifinals ngayong Biyernes sa Araneta Coliseum.

Haharapin ng Gin Kings ang San Miguel Beermen sa alas-730 ng gabi matapos ang salpukan ng Tropang Giga at Rain or Shine Elasto Painters sa alas-5:30 ng hapon.

Pinataob ng Gin Kings ang Beermen, 122-105, habang dinispatsa ng Tropang Giga ang Elasto Painters, 90-81, sa Game 1 noong Miyerkoles.

Bagama’t tangan ang 1-0 bentahe ay walang plano si Ginebra coach Tim Cone na magkampante dahil batid niyang reresbak ang Beermen.

“I’m sure they’re gonna be ready to beat us in Game 2. I mean, that’s just the way when two really good teams battle each other. No one dominates for any length of time,” sabi ni Cone, inalala ang 49-point win ng SMB laban sa kanyang tropa sa group stages.

“They dominated us in one game and we half-dominated them tonight. At this point, it’s their turn (to win in Game 2),” dagdag ni Cone. “Hopefully, we can do something to prevent that.”

Pangunahing alalahanin ni SMB coach Jorge Gallent kung paano makababawi at makapagpapahinga ang kanyang koponan mula sa nauna nitong iskedyul, kung saan dinala sila ng Converge sa limang laro sa kanilang quarterfinals series at sinimulan ang kanilang kampanya sa EASL.

May dalawang araw lamang para makapaghanda sa pagsisimula ng semis, ang Beermen ay inisyal na nakipagsabayan sa Kings, subalit sa first half lamang.

Samantala, mataas ang morale ni TNT coach Chot Reyes matapos makauna sa Rain or Shine. Sa kanyang panig ay wala namang nakikitang dahilan si coach Yeng Guiao upang malungkot sa kaagahan ng serye.

“I still feel good,” sabi ni Guiao, na sa kabila nito ay magsasagawa ng kinakailangang adjustments upang maitabla ang serye sa 1-1.

Naniniwala si Guiao na kailangan nilang makakita ng paraan upang mabawasan ang kanilang turnovers at defensive breakdowns.

Para kay Reyes, kailangan nilang ma-set ang tempo ng laro.

“By in large, we were very happy with the pace of the game and how the game was going at halftime even when we were down four. All I said at halftime is we have them where we want them, so relax and go into the second half and execute what we practice,” ani Reyes. CLYDE MARIANO