Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Magnolia vs Ginebra
5:45 p.m. – San Miguel vs Bay Area
TATANGKAIN ng Bay Area at Barangay Ginebra na kunin ang ikalawang sunod na panalo at lumapit sa best-of-seven title showdown sa magkahiwalay na laro sa Game 2 ng best-of-five PBA Commissioner’s Cup semifinals ngayong Biyernes sa Philsports Arena sa Pasig.
Haharapin ng guest team Dragons ang defending champion Beermen sa alas-5:45 ng hapon matapos ang salpukan ng Kings at Hotshots sa alas-3.
Nanalo ang Bay Area sa fast break layup ni Kobey Lam sa huling pitong segundo ng laro at binura ang 16-point deficit para sa come-from-behin 103-102 win kontra San Miguel, habang tinalo ng Ginebra ang Magnolia sa mahigpitang laro, 87-84, sa Game 1 noong Miyerkoles.
Sa kanilang panalo sa opener ay nasa Bay Area at Ginebra ang momentum na gagawin nilang tuntungan para kunin ang 2-0 bentahe sa serye.
Namumuro ang Dragons-Kings title showdown na inaasahang magiging kapana-panabik.
Tinalo ng Kings ang Hong Kong-based squad, 111-93, sa elimination kung saan humataw si resident import Justin Brownlee ng 46 points para daigin si NBA veteran Myles Powell sa kanilang match up.
Pinalitan si Powell ni 6-10 Canadian NBA veteran Andrew Nicholson bilang bagong import ng Bay Area.
Tiyak na gagawin ng SMB at Magnolia ang lahat para maitabla ang serye at makaiwas na malagay sa bingit ng pagkakasibak.
Kailangan ang A1 performance ni import Devon Scott, gayundin ng mga local na sina June Mar Fajardo, CJ Perez, Marcio Lassiter, Terrence Romeo, Chris Ross , Jericho Cruz at Simon Enciso para makaganti sa Dragons.
Muli namang pamumunuan ni Brownlee ang opensiba ng Kings, katuwang sina LA Tenorio, Scottie Thompson, Stanley Pringle at ang twin tower nina Japeth Aguilar at Christian Standhardinger.
Makikipag one-on-one ang 28-anyos na si Brownlee kay Serbian Nikola Rakocevic.
Bukod sa pagtulong sa points production ng Ginebra, mahigpit na babantayan nina 6-7 Aguilar at 6-10 Standhardinger ang low post para hindi maka-penetrate sina Paul Lee, Andy Marc Barroca, Jio Jalalon, Calvin Abueva, Ian Sangalang at Rome dela Rosa.
CLYDE MARIANO