Mga laro ngayon:
(Ynares Center-Antipolo)
4:30 p.m. – TNT vs Meralco
6:45 p.m. – San Miguel vs Ginebra
TATANGKAIN ng defending champion Barangay Ginebra at Talk ‘N Text na kunin ang ikalawang sunod na panalo at lumapit sa pagwalis sa best-of-five semifinals series sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Ynares Center sa Antipolo.
Haharapin ng Tropang Giga ang Meralco Bolts sa alas-4:30 ng hapon habang sasagupain ng Kings ang San Miguel Beermen sa alas-6:45 ng gabi.
Ang momentum ay nasa Barangay Ginebra at TNT kasunod ng kanilang panalo sa Game 1. Tiyak na sasamantalahin ng Kings at Tropang Giga ang pagkakataon para muling talunin ang kanilang kalaban at lumapit sa finals.
Pinisak ng Barangay Ginebra ang SMB, 121-112, at pinayuko ng TNT ang Meralco, 110-80, sa Game 1 noong Biyernes.
Nakalalamang ang Kings dahil wala si June Mar Fajardo na kasalukuyang nag papagaling sa kanyang injury, at sasamantalahin ito nj 6’9 Filipino-German Christian Standhardinger upang dominahin ang low post.
Naging backup ni Fajardo ang 34-anyos na si Standhardinger bago ito lumipat sa Barangay Ginebra upang punan ang puwestong iniwan ni Greg Slaughter na napunta sa NorthPort.
Umiskor si Standhardinger ng 33 points at kumalawit ng 10 rebounds sa Game 1.
Pipilitin naman ng SMB at Meralco na makabawi sa Game 2 upang maitabla ang serye at buhayin ang kanilang title campaign.
Dahil ang import ang susi sa panalo, muling sasandal sina coach Tim Cone at Jojo Lastimosa kina Justin Brownlee at Rondae Hollis Jefferson upang ibigay ang ikalawang sunod na panalo sa kanilang koponan.
Lalabanan ng 34-anyos na resident import ng Barangay Ginebra si Cameron Clark at haharapin ni Jefferson si NBA veteran KJ McDaniel.
Dahil wala sina Japeth Aguilar at LA Tenorio, aalalayan nina Standhardinger, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, Stanley Pringle, Aljon Mariano, Arvin Tolentino at Nard John Pinto si Brownlee at tutulungan si Clark nina CJ Perez, Marcio Lassiter, Moala Tautuaa, Vic Manuel, Simon Encsiso at Jericho Cruz.
Muli namang patutunayan ni Jefferson na maasahan siya ng TNT sa muli niyang pakikipagtuos kay McDaniel.
Tutulungan si Jefferson nina Roger Pogoy, Jayson Castro. Mikey Williams. Glenn Khobuntin, Kelly Williams at Dave Marcelo laban kina Chris Newsome, Alein Maliksi, Cliff Hodge, Aaron Black, Chris Banchero at John Kier Quinto.
CLYDE MARIANO