Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
7 p.m. – TNT vs Meralco
Game 2, Texters abante sa 1-0
PUNTIRYA ng Talk ‘N Text ang ikalawang sunod na panalo kontra sister team Meralco at lumapit sa finals sa Game 2 ng best-of-5 PBA Governors’ Cup semifinals ngayon sa Araneta Coliseum.
Nakuha ang momentum sa 103-94 panalo sa Game 1, haharapin ng Tropang Texters ang Bolts sa alas-7 ng gabi sa isa na namang kapanapanabik na laro.
Determinado ang TNT na makaulit sa Game 2 upang mapalakas ang kanilang kampanya para sa isang puwesto sa finals.
Sa kabila na nakauna sa serye, hindi dapat maging kumpiyansa ang Tropang Texters at kailangang muling ipakita ni KJ McDaniels ang kanyang ipinagmamalaking NBA credentials laban kay Allen Durham.
Kahit naglaro si McDaniels sa NBA sa Houston Rockets ay nakalalamang pa rin sa kanya si Durham dahil kabisado ng huli ang laro ng mga Pinoy makaraang maglaro ito sa Merlaco sa nagdaang conference.
Magiging tampok sa bakbakan ng dalawang koponan ang paghaharap nina McDaniels at Durham, gayundin nina Roger Pogoy at Baser Amer, at Jayson Castro at Chris Newsome.
Magkasama sina Newsome at Castro sa Team Philippines na matagumpay na naidepensa ang korona sa basketball sa katatapos na 30th South-east Asian Games.
Tinalo ng TNT ang Meralco ng dalawang beses, 104-91 sa Commissioner’s Cup at 116-113 sa elimination ng Governors Cup.
Inamin ni TNT coach Ferdinand ‘Bong’ Ravena na mahirap talunin ang Meralco base sa kanilang engkuwentro sa dalawang nakalipas na conference kung saan nanalo ang Tropang Texters sa dikit na laban.
“Meralco is a tough customer. It’s always war against Meralco out there. We have to be prepared against them. Meralco is strong capable of turning the table on their favor,” sabi ni Ravena. CLYDE MARIANO
Comments are closed.