2-1 SA GINEBRA

Laro bukas:
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area

IPINAMALAS ang kanilang trademark na ‘never say die’ spirit, naitakas ng Barangay Ginebra ang 89-82 come-from-behind win kontra Bay Area, sa Game 3 ng PBA Commissioner’s Cup finals kagabi sa Mall of Asia Arena.

Sa harap ng mahigit 15,000 fans, binura ng Gin Kings ang 14-point deficit sa likod ng big baskets nina Scottie Thompson, Jamie Malonzo, at Justin Brownlee sa huling sandali para makumpleto ang paghahabol at kunin ang 2-1 bentahe sa best-of-seven Finals series.

Nangunguna sa karera para sa Best Import award, naitala ni Brownlee ang 19 sa kanyang game-high 34 points sa fourth quarter, kabilang ang 12 points sa 15-6 run na nagtabla sa talaan sa 79-79, wala nang tatlong minuto ang nalalabi.

Abante pa rin ang Dragons sa 73-64 matapos ang layup ni Glenn Yang bago pumutok si Brownlee, na nakalikom ng 17 rebounds, 4 assists, at 3 steals, at tumulong sa lahat ng 15 points sa naturang mainit na run.

Kasunod nito ay isinalpak ni Best Player of the Conference favorite Thompson ang isang krusyal na putback at pinasahan si Jamie Malonzo para sa three-pointer sa sumunod na dalawang possessions upang bigyan ang Ginebra ng 84-79 kalamangan.

Nagposte rin si Thompson ng double-double na 14 points at 10 rebounds, na sinamahan ng 4 assists at 4 steals para sa Gin Kings na nakabawi makaraang matalo ng 17 points sa Game 2.

“Justin upped his motor and Scottie went crazy and got a couple of unbelievable rebounds and we got on a roll,” wika ni Ginebra head coach Tim Cone.

Nanguna si Andrew Nicholson para sa Dragons na may 23 points, 24 rebounds, at 2 blocks subalit inilabas, may 30 segundo ang nalalabi, makaraang magtamo ng left ankle injury.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Barangay Ginebra (89) – Brownlee 34, Standhardinger 15, Thompson 14, Malonzo 10, Tenorio 8, Pringle 5, J.Aguilar 3, Mariano 0, Gray 0, Pinto 0.
Bay Area (82) – Nicholson 23, Lam 17, Zhu 12, Yang 11, Blankley 10, Ewing 3, Ju 2, Liu 2, Song 2, Reid 0.
QS: 16-16, 35-37, 56-63, 89-82.