KUMANA si Nikola Jokic ng makasaysayang stat line na 32 points, 21 rebounds at 10 assists, nagtala rin si Jamal Murray ng triple-double at naitakas ng Denver Nuggets ang 109-94 panalo kontra host Miami Heat upang kunin ang 2-1 lead sa NBA Finals nitong Miyerkoles.
Si Jokic ang unang player na kumamada ng hindi bababa sa 30points, 20 rebounds at 10 assists sa isang NBA Finals game. Naipasok niya ang 12 sa 21 shots at nagtala ng dalawang blocked shots at bumawi ang Denver mula sa Game 2 home loss.
Umiskor si Murray ng game-high 34 points na sinamahan ng 10 rebounds at 10 assists para sa Nuggets, na nakontrol ang laro. Tumipa si Christian Braun ng 15 points sa 7-of-8 shooting mula sa bench, at nagsalansan si Aaron Gordon ng 11 points, 10 rebounds at 5 assists para sa Denver.
Gumawa si Jimmy Butler ng 28 points at nagdagdag si Bam Adebayo ng 22 points at 17 rebounds para sa Heat, na naghabol ng hanggang 21 points.
Nakatakda ang Game 4 sa Biyernes ng gabi sa Miami.
Ginamit ng Nuggets ang ika-10 triple-double ni Jokic sa postseason upang mabawi ang homecourt advantage. Si Jokic ay may tatlo sa 30-20-10 performances sa NBA postseason history. Ang iba ay nagmula kina Hall of Famers Wilt Chamberlain at Kareem Abdul-Jabbar.
Bumuslo ang Denver ng 51.2 percent mula sa field subalit 5 of 18 (27.8 percent) lamang mula sa 3-point range. Ang Nuggets ay may 58-33 rebounding advantage.
Naipasok ng Miami ng 37 percent ng field-goal attempts nito at 11 of 35 (31.4 percent) mula sa arc. Tumipa si Caleb Martin ng 10 points para sa Heat.
Makaraang lumamang ng lima sa halftime, naitala ng Nuggets ang unang anim na puntos ng second half sa hoop ni Jokic at sa back-to-back baskets ni Gordon upang kunin ang 59-48 bentahe.
Lumapit ang Miami sa pitong puntos bago nagsimulang lumayo ang Denver sa 21-11 surge. Isinalpak ni Kentavious Caldwell-Pope ang isang jumper upang bigyan ang Denver ng 78-62 kalamangan, at tinampukan ni Braun ang run ng isang layup at slam upang lumobo ang kalamangan sa 82-62, may 50.2 segundo ang nalalabi sa third quarter.
Naitala ng Heat ang huling limang puntos upang maghabol sa 82-68 papasok sa final stanza, at isinalpak ni Adebayo ang dalawang free throws upang tapyasin ang deficit sa 12 sa opening minute ng final quarter.
Gayunman ay ipinasok ni Murray ang isang jumper at sinundan ito ni Jokic ng apat na puntos para sindihan ang 11-2 run. Umiskor si Braun ng three-point play, may 8:45 ang nalalabi at gumawa ng floater pagkalipas ng 17 segundo upang palobohin ang bentahe ng Denver sa 93-72, may 8:28 sa orasan.