2.15M EKTARYA NG PANANIM TATAMAAN NI ‘GORING’

MAHIGIT sa dalawang milyong ektarya ng pananim ang maaaring maapektuhan ng bagyong Goring, na kasalukuyang nagbabanta sa hilagang kanlurang bahagi ng bansa, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Base sa situation bulletin ng Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center ng DA, hanggang August 29, “area of standing crops that may be affected by Typhoon Goring totals to 2,150,881 hectares.”

Nasa 1,602,482 ektarya ng rice fields ang inaasahang tatamaan, habang 548,399 ektarya ng corn fields ang inaasahang maaapektuhan ng bagyo.

Ayon sa DA, ang posibleng epekto ni ‘Goring’ ay maaaring maranasan sa CAR, Region I, II, III, IV, V, VI, VII at VIII.

Bilang paghahanda sa pananalasa ng bagyo, ang DA ay nagsagawa ng mga hakbang tulad ng pag-activate sa DA Regional DRRM Operations Centers, pagkakaloob ng advisories sa mga magsasaka at mangingisda na apektado ng bagyo, at pagsusumite ng Situational Reports, partikular sa agricultural areas, mula sa DA Regional Field Office.

“The DA-DRRM Operations Center will continuously provide updates regarding Goring,” dagdag pa ng DA.