2.2 MILYONG STUDES MAKIKINABANG SA LRT-2 LIBRENG SAKAY

INAASAHANG  aabot sa mahigit dalawang milyong estudyante ang makikinabang sa Libreng Sakay program sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) simula sa Agosto 22 hanggang sa Nobyembre 5, 2022.

Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando Cabrera, mahigit 80 unibersidad, kolehiyo, at paaralan ang sakop sa pagitan ng Antipolo at Recto stations.

Nasa 90,000 hanggang 100,000 ang karaniwang weekday average ridership ng LRT-2 kada araw.

Layon ng naturang programa na mabawasan ang bigat ng epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“We have prepared a system to ensure the safe, smooth, and efficient implementation of the program in compliance with the directive of the Department of Transportation,” saad ni Cabrera.

Maari sa libreng sakay ang mga nakapag-enroll sa nursery/kindergarten, elementary/primary, high schools, technical-vocational, at college students simula 5:00 ng madaling-araw hanggang 9:30 ng gabi tuwing Lunes hanggang Sabado, maliban sa Linggo at holiday.

Hindi naman pasok sa naturang programa ang mga estudyante na kumukuha ng graduate studies.

Upang makalibre, kailangang iprisinta ng estudyante ang orihinal na school ID o original registration form sa Passenger Assistance Office (PAO) para makatanggap ng Free Ride Ticket.

“The Free Ride Single Journey Ticket is non-transferrable and valid only for one (1) day,” paalala ng LRTA.

Dadaan ang lahat ng estudyante sa ipinatutupad na security inspection procedure at health and safety protocols sa mga istasyon at tren.

Sinabi naman ni Cabrera na sakop ng libreng sakay program ang unang quarter ng School Year 2022-2023 para sa unti-unting pagbabalik ng face-to-face classes at ibabalik ang pagbibigay ng 20 porsiyentong diskwento sa mga mag-aaral matapos ang programa.