2.62-M NAGDA-DIALYSIS MAAARING DUMOBLE SA 2030

DIALYSIS

PINANGANGAMBAHANG dumoble sa taong 2030 ang bilang ng mga nagpapa-dialysis sa buong mundo na may naitalang 2.62 milyon noong 2010.

Ito ang pinagtuunan ng pansin sa ginanap na Health Forum sa Quezon City kaalinsabay ng paggunita ng World Kidney Day na may temang: Kidney Health for Everyone Everywhere-from Prevention to Detection and Equitable Access to Care.

Ayon kay Dr. Maaliddin Biruar, isang specialist mula sa Philippine Society of Neprology, lubhang nakababahala ang bilang ng kaso ng may renal failure at aniya’y pabata nang pabata mula sa dating nasa edad 50 hanggang 60, ngayon ay nasa edad 20 hanggng 30 na ang nagkakaroon ng problema sa kidney.

Batay sa datos ng World Health Organization (WHO), tinatayang may 5 hanggang 10 milyon ang namamatay kada taon bunsod ng kidney disease dulot ng komplikasyon na karaniwang may sakit na diabetes.

Sinabi naman ni Dr. Agnes, Torrijos-Cruz ng Philippine College of Physicians (PCP) na 60 porsiyento sa ngayon ng mga sumasailalim sa dialysis sa bansa ay nagtataglay ng diabetes kung kayat kinakailangan na maging aware o mulat ang publiko kung paano maiiwasan ang pagkakaroon ng sakit sa bato.

Sa Filipinas, lumalabas na isa ang namamatay kada oras dulot ng sakit sa kidney  na  pang siyam na pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy.

Kasunod nito, nagpaalala naman si Dr. Mina Laguesma, isang nephrologist na kinakailangang uminom ng anim hanggang walong baso ng tubig kada araw upang makatulong ito sa paglilinis ng kidney bunsod ng mga pagkaing pumapasok sa katawan.

Aniya, makabubuti ring magpa-check ng creatinine  at sugar  at iwasan ang pag-inom ng mga gamot na hindi nireseta ng doktor. BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.