($2.8-B noong Hunyo)OFW CASH REMITTANCES TUMAAS

CASH AID-OFWs

LUMAKI ang cash remittances na ipinadaan sa mga bangko ng 4.4 percent sa $2.8 billion noong Hunyo, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Kumpara ito sa $2.425 billion noong Mayo, at ito ang pinakamataas magmula nang maitala ang cash remittances sa $2.987 billion noong Disyembre 2021.

Sa datos ng BSP, mula Enero hanggang Hunyo, ang cash remittances ay tumaas ng 2.9 percent sa $15.3 billion kumpara sa $14.9 billion sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Ayon sa central bank, ang pagtaas ng cash remittances noong Hunyo 2022 ay dahil sa paglago ng mga padala mula sa land-based at sea-based workers.

Ang United States, Saudi Arabia, Japan, Qatar at Singapore ang major contributors sa pagtaas ng remittances sa first half ng taon.

Ang pinakamalaking remittances ay nagmula sa United States na may 41.1%, Singapore na may 6.9%, at Saudi Arabia na may 5.9%.

Sumusunod ang Japan na may 5.1%, United Kingdom na may 5.0%, United Arab Emirates na may 3.9%, Canada (3.4%), Republic of Korea (2.8%), Qatar (2.7%), Taiwan (2.6%), at iba pa na may 20.5%.

Samantala, tumaas ang personal remittances — ang kabuuan ng padala in cash o in-kind via informal channels — ng 4.4% sa $3.064 billion mula $2.936 billion noong Hunyo 2021.

Year-to-date, ang personal remittances ay nasa $17.086 billion, tumaas ng 2.8% mula sa $16.616 billion sa first half noong nakaraang taon.