2.8-M DOSES NG SPUTNIK VACCINE SINALUBONG NI DUTERTE

DUMATING na sa Pilipinas Lunes ng gabi ang 2,805,000 doses na binili ng Pilipinas na  Russian COVID-19 vaccine na Sputnik V.

Sinalubong ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte, kasama ang ilan pang opisyal ng gob­yerno, ang paglapag ng eroplanong may dala ng mga bakuna sa Villamor Airbase, Pasay City.

Nagpasalamat ang Pangulo sa gobyerno ng Russia para sa pagsu-suplay ng bakuna sa Pilipinas.

Apela naman ng Pangulo sa publiko, makipagtulungan sa gobyerno sa pamamagitan ng pagbabakuna upang malampasan ang nararanasang pandemya.

Samantala, nananatili pa ring mabagal ang distribusyon ng mga bakuna laban sa Covid-19 sa limang rehiyon sa bansa.

Ayon sa pahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., ang kakulangan ng vaccinators ang dahilan ng mabagal na pagbabakuna sa Bangsamoro Autonomous Rehion in Muslim Mindanao (BARMM), Rehiyon 4B, Rehiyon 5, Rehiyon 9 at Rehiyon 12.

Nakipag-ugnayan naman si Galvez sa mga medical association sa mga naturang lugar kung saan handang tumulong ang mga allied medical professional tulad ng pharmacists at dentists sa pagbabakuna.