(Inaprubahan ng Monetary Board sa Q1 2024) $2.87-B GOV’T FOREIGN LOANS

Money

MAY kabuuang $2.87 billion na government foreign borrowings ang inaprubahan ng Monetary Board (MB) sa first quarter ng 2024.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), mas mababa ito ng 48 percent kumpara sa $5.56 billion na inaprubahan sa kaparehong panahon noong 2023.

“These consist of two project loans aggregating to USD0.85 billion, and five program loans aggregating to USD2.02 billion,” ayon sa BSP.

Sinabi ng central bank na ang dalawang project loans na nagkakahalaga ng $850 million ay gagamitin sa infrastructure projects.

Samantala, ang $2.02-billion foreign borrowings ay gagastusin sa policy reforms sa healthcare sa $910 million, $410 million sa digital transformation, $400 million sa tax administration, at $300 million sa inclusive finance development.

Ang foreign borrowings ng gobyerno mula Enero hanggang Marso 2024 ay mas mababa rin kumpara sa $3.32-billion loan sa naunang quarter.

Sa ilalim ng Konstitusyon, ang anumang foreign borrowings na papasukin ng pamahalaan ay kailangan munang aprubahan ng BSP sa pamamagitan ng Monetary Board nito.