(2.93M  noong Enero) JOBLESS NA PINOY NABAWASAN

BUMABA ang bilang ng mga Pinoy na walang trabaho sa pagbubukas ng taon sa kabila ng mahigpit na quarantine level sa Metro Manila, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang bilang ng unemployed adults, o yaong may edad 15 at pataas, noong Enero ay nasa 2.93 million, o katumbas ng unemployment rate na 6.4%.

Mas mababa ito sa 6.6% unemployment rate na naitala noong December 2021 o kapos ng 340,000 sa 3.27 million jobless na naiposte sa huling buwan ng  2021.

Ayon kay Mapa, ang unemployment rate noong January 2022 ang pinakamababa rin magmula noong kasagsagan ng COVID-19 lockdowns noong April 2020, nang maitala ang all-time high unemployment rate na 17.6% o 7.3 million jobless.

Ang Central Visayas ang nagtala ng pinakamataas na unemployment rate sa buong bansa sa 8%, habang ang Cagayan Valley ang may pinakamababa sa 4.3%. Hindi isinama sa survey na isinagawa noong Enero 10-31 ang  Surigao del Norte at Dinagat Islands dahil sa epekto ng bagyong Odette.

Sa year-to-year basis, ang manufacturing ang may pinakamaraming trabaho noong Enero sa 490,000. Ang big gainers ay kinabibilangan din ng administrative and support service activities, wholesale and retail trade and repair of vehicles, transportation and storage, at public administration and defense.

Ang agriculture and forestry naman ang may pinakamalaking nawala sa 740,000. Marami rin ang nawalan ng trabaho sa education, real estate, at activities ng extraterritorial organizations. Tumaas naman ang underemployment rate sa 14.9% mula 14.7% noong Enero, o may 6.81 million Filipinos ang naghahanap ng karagdagang trabaho o mas magandang work opportunities.