CAVITE – REHAS na bakal ang binagsakan ng dalawang holdaper na sinasabing adik din sa droga makaraang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa follow-up operation sa bahagi ng Barangay Panapaan 2 sa Bacoor City, kahapon ng madaling araw.
Nahaharap sa mga kaso ang mga suspek na sina Arman Aquino y Buenaflor, 31; at alyas Gian, 19-anyos, kapwa construction workers at parehong nakatira sa nabanggit na barangay.
Base sa police report na isinumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na pinagtulungang holdapin ng dalawa ang 29-anyos na biktimang si Ernesto De Mesa y Sarno sa madilim na bahagi ng Digman Street bandang 1:30 ng madaling araw.
Ayon sa ulat, pauwi na ang biktimang promodizer mula sa trabaho nang holdapin ng mga suspek gamit ang isang cal. 38 revolver saka kinulimbat ang isang cellphone at cash na P350.00 bago tumakas.
Kaagad na dumulog sa mga opisyal ng barangay ang biktima kaugnay sa naganap na insidente hanggang sa masakote ang mga suspek na sinasabing lango pa sa droga nang bitbitin patungo sa himpilan ng pulisya.
Narekober sa dalawa ang isang cal. 38 revolver na kargado ng anim na bala at ang cellphone ng biktima. MHAR BASCO
Comments are closed.