2 ADIK TIMBOG SA BUY BUST

BULACAN-DALAWANG drug personalities ang nadakip ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU)sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya matapos na kumagat sa buy-bust ang isang drug pusher at madakip ang isang drug addict nang mahuli sa aktong humihithit ng pinatuyong dahon ng marijuana sa resort sa bayan ng Balagtas at Malolos City kahapon ng madaling araw sa lalawigang ito.

Base sa report kay Col.Rommel J. Ochave, acting Provincial Director ng Bulacan PNP, nakilala ang naarestong sina Wilfredo Arevalo ng Barangay Lolomboy, Bocaue at Frederick Talaguit ng Barangay Bulihan, Malolos City na kapwa nakakulong ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165.

Bandang alas-12:10 ng madaling araw kahapon nang mahuli sa akto ng security personnel ng Balagtas resort na matatagpuan sa Barangay Borol 1st, Balagtas ang suspek na si Arevalo habang humihitit ng damo sa isang sulok ng resort kaya kaagad itong inaresto at inilipat sa kustodiya ng pulisya matapos na makuhanan ng nagrespondeng pulisya ng medium-size plastic ziplock na naglalaman ng damo at isang disposable lighter.

Nabatid na ipinasailalim naman sa buy-bust operation ng SDEU ng Malolos City police ang tulak na si Talaguit at hindi na ito nakapalag ng kumagat sa entrapment operation at makuha sa kanyang pag-iingat ang tatlong pakete ng shabu, improvised glass pipe, cellphone at buy-bust money.
MARIVIC RAGUDOS