2 AFP OFFICIALS SINIBAK

President Rodrigo Duterte

DAHIL  sa  isinagawang imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines at sa report na isinumite ni AFP chief of Staff Gen Carlito Galvez at ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), dalawang mataas na opisyal ng militar ang sinibak habang may 20 pa ang iniimbestigahan.

Kasunod ng ulat ni Gen Galvez ay galit na galit na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak sa dalawang mataas na opisyal ng V. Luna Health Services nang makarating sa kanyang kaalaman ang korupsiyon sa V. Luna Medical Center.

Kabilang sa mga pinagulong sa puwesto ay sina Brig. Gen. Edwin Leo Terrelavega na commander ng AFP Health Service Command at Col. Antonio Punzalan na commander ng V. Luna Medical Center.

“’Yung report ng ISAFP is very extensive because it also points out to a system and at the same time those people that were really involved. We have to correct. I’ve given a statement that the Armed Forces of the Philippines will fix this in one month,” ani Galvez sa sinagawang pulong balitaan sa Camp Aguinaldo kahapon.

Nabatid pa kay Gen. Galvez na nagsagawa ng palihim na imbestigasyon ang Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at may nadiskubre silang 17 kuwestiyonableng transactions o ghost delivery ng mga medical supply na umaabot sa  P17 million.

Nabatid na lima pa lamang sa 17 transactions ang nakitaan ng systemic corruption na kinasasangkutan ng mataas na opisyal mula sa simula hanggang sa pagtatapos ng  purchase process.

“Kaya sinabi naming systemic, kasi ‘yung H4 o ‘yung sa logistics, and the management and fiscal officer, silang dalawa lang ‘yung from the start up the end. Walang transparency,” paliwanag ni Galvez.

Ayon sa inisyal na pahayag ng Malacañang, ipinag-utos din ng pangulo ang pagsasailalim sa court martial proceeding sa dalawang opisyal. VERLIN RUIZ

Comments are closed.