KABUUANG 216 katao kabilang ang dalawang personnel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at isang elected government official ang lumabag sa election gun ban at nasabat sa checkpoint ng Philippine National Police (PNP) at Commission on Elections (COMELEC) dahil sa hindi awtorisadong pagbibitbit ng armas.
Ito ay base sa datos ng PNP mula Agosto 28 ng 12:01 ng madaling araw hanggang Setyembre 2, 11:59 ng hatinggabi.
Sa accomplishment report on Comelec gun ban na ipinadala ni PNP Acting Public Information Chief Col. Jean Fajardo, may dalawa mula sa AFP sa Region 4A at Region 8 ang nasabat sa Comelec checkpoint habang ang elected official ay sa Region 8 o Eastern Visayas.
Nasa 211 sibilyan ang naharang sa Comelec – PNP checkpoints, dalawang security guards mula sa Region 1 at 8.
Pinakamarami sa mga nahulihan ng armas na sibilyan sa Metro Manila na 64 katao, sumunod ang Region 3 na mayroong 48 katao, Region 7, 22 ang naaresto; 17 sa Region 4A, tig-10 sa Region 2 at PRO BAR; tig-7 sa Region 6 at Region 9, anim sa Region 10, lima sa Region 8 at Region 11, apat sa Region 5, tatlo sa Region 4B, dalawa sa Region 13, at tig- isa sa Region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR).
Samantala, kabuuang 130 armas din ang nakumpiska sa checkpoints kung saan apat ang light weight at 124 ang small arms.
EUNICE CELARIO