2 AFRICAN KULONG SA PEKENG CANADIAN VISA

CANADIAN VISA-2

NAARESTO ng mga taga-Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang African bago makalabas ng bansa dahil sa paggamit ng mga pekeng Canadian visa.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, nasabat ng Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) ang mga  dayuhan sa  NAIA  terminal 1 sa magkakaibang petsa dahil na rin sa pinaigting na kampanya laban sa sindikato na ginagamit ang Manila bilang jump off point sa smuggling ng ilegal alien sa Canada.

Kinilala ni BI TCEU chief Erwin Ortañez ang mga nadakip na sina Cameroonian national Etienne Makang Nformem, 35-anyos, at Sudanese national Abdelmotalab Idris Himat Mohamed, 29-anyos.

Sinabi ni Ortañez na si Nformem ay na-intercept ng mga tauhan ng TCEU noong Pebero 9 pagdating nito sa airport sakay ng Gulf Air flight galing Bahrain.

Nadiskubre na peke ang pasaporte nito matapos ipagbigay-alam ng BI  sa pamunuan ng Canadian Embassy rito sa Manila, kung saan kinumpirma na peke ang visa nito.

Samantalang si Mohamed ay nahuli ng TCEU noong Pebrero 13 habang papasakay sa kanyang Philippine Airlines flight patungong Toronto, Canada matapos madiskubre ng BI personnel sa NAIA na peke rin ang kanyang Canadian visa.

Agad itong dinala sa  Anti-Fraud Division upang sumailalim sa masusing imbestigasyon.   FROI MORALLOS