Kinondena ng grupong Novo Ecijano: Bantay Boto Movement (NE: BBM) ang umano’y ‘circus’ sa pulitika sa lalawigan ng Nueva Ecija, kung saan tila buong angkan na umano ni Nueva Ecija Gov. Aurelio “Oyie” Umali ang tatakbo sa #Halalan2025.
Sa datos ng Commission on Elections (Comelec), anim na Umali ang naghain ng Certificate of Candidacy (COC) para sa matataas na elective positions sa Nueva Ecija.
Muling tatakbo sa pagka-gobernador si Umali, pero naghain din ng kandidatura sa pagka-gobernador ang kanyang 23-anyos na anak na si Patricia Marie Umali. Makakatapat ng mag-amang Umali si dating General Tinio Mayor Virgilio Bote sa pagka-gobernador.
Sa pagka-vice governor naman, tatakbo ang nakatatandang kapatid ni governor Umali na si Gil Raymond Umali at makakatapat nito sa posiyon ang dating vice governor ng lalawigan na si Edward Joson.
Isa pang mala-‘circus’ na tagpo ang paghahain ng COC ng asawa ni governor Umali na si Czarina Umali at kanilang 25-anyos na anak na si Gabrielle Umali. Makakalaban ng mag-ina sa pagka-kongresista ng 3rd District si dating Cabanatuan City Mayor Jay Vergara.
Ayon sa grupong NE: BBM, malinaw ang dahilan ng mag-asawang Oyie at Czarina Umali na gamitin bilang ‘reserve candidates’ ang dalawa nilang anak upang maging “insurance” sakaling i-disqualify sila ng Comelec dahil sa kasong katiwalian.
Ang mag-asawang Oyie at Czarina Umali ay sinuspinde kamakailan ng Office of the Ombudsman at inirekomendang matanggal sila sa puwesto dahil sa umano’y malisyosong pag-isyu ng 205 quarry permits nang walang kaukulang pahintulot mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at ang diumano’y hindi pagbabayad sa mga lokal na pamahalaan ng kanilang bahagi mula sa mga nakolektang buwis.
Samantala, ang nakababatang kapatid naman ni governor Umali na si Vice Governor Emmanuel Anthony Umali ay tatakbong mayor ng Cabanatuan City at makakatapat nito ang kasalukuyang alkalde na si Myca Vergara.
Giit ni Ruben Aquino, convenor ng NE: Bantay Boto Movement (BBM), hindi katanggap-tanggap ang ginagawang pagkapit sa poder ng mga Umali para lamang masiguro ang paghahari sa Nueva Ecija.
“Normal na sa ating bansa ang mga naglalaban-laban na magkakapamilya sa pulitika dahil hindi sila magkakasundo. Pero iba dito sa Nueva Ecija, ang mga Umali ay hindi nag-aaway away pero magkakalaban sila sa election. Ibig sabihin, hindi sila totoong magkalaban sa election, kundi ito ay kanilang istratehiya para hindi sila mawala sa political landscape ng probinsya. Ginawa nilang insurance candidates ang kanilang mga anak. This is very disgraceful. Nakakahiya,” ani Aquino.