NEGROS OCCIDENTAL – ISANG lalaki na itinuturong responsable sa pagpatay sa isang dalawang taong gulang na batang babae matapos na gahasain na nadakip kahapon ng mga tauhan ng Negros Oriental-PNP sa bayan ng Sta. Catalina.
Ayon sa Negros Oriental Provincial Police Office, ang suspek ang huling nakitang kasama ng biktima na unang iniulat na nawawala noong Martes habang naglalaro sa labas ng kanilang bahay.
Ayon sa ulat, nitong Huwebes ng hapon ay patay na nang matagpuan sa madamong bahagi ng Barangay Maayong-tubig sa Dauin ang dalawang taong gulang na biktima na hindi kalayuan sa kanilang bahay.
Nadiskubre ang bangkay ng bata sa damuhang bahagi may 300 metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.
Sa impormasyong ibinahagi ni Police Captain Ian Baldomero, hepe ng Dauin Police, agad nakilala ang suspek na kapitbahay nila dahil siya ang huling nakitang kasama ng bata.
Nang puntahan umano ang tinitirhan ng suspek ay doon nadiskubre ng mga imbestigador ang mga patak ng dugo, maging ang suot na pajama ng bata.
Hinala ng pulisya ay sa loob ng bahay ng suspek pinaslang ang biktima at itinapon ang bangkay sa damuhan na hindi kalayuan sa kanilang mga bahay.
Iniutos na isailalim ang bangkay ng bata sa medical examination para malaman ang ikinamatay nito at makumpirma kung totoong ginahasa ito bago pinaslang. VERLIN RUIZ
Comments are closed.