2-ANYOS NA LALAKI NILUNOD SA TIMBA NG TUBIG

timba ng tubig

MISAMIS ORIENTAL – PATAY na nang makita ang isang dalawang taong gulang na batang lalaki na unang napaulat na nalunod sa malaking timba ng tubig  sa bayan ng Tagaloan subalit lumilitaw na may foul play sa pagkamatay ng biktima.

Hiniling ng Misamis Oriental-PNP na isailalim sa medico legal examination ang bangkay ng dalawang taong gulang na batang biktima matapos na makitaan ito ng namumulang pasa sa likod.

Imposible rin umanong malunod basta-basta ang bata dahil kaunti lamang ang lamang tubig ng timba bukod pa sa may takip ito nang madiskubre ng mga magulang ng biktima.

Ayon sa Tagaloan Municipal Police Station, may person of interest na silang tinututukan sa pagkamatay ng biktima na inilagay sa malaking timba ng tubig sa Purok 3, San Vicente Casinglot, ng nasabing bayan.

Inihayag ni Cpl. Jackie Lou Malagamba, hepe ng Women and Children Protection Desk ng Tagoloan-PNP, na inimbitahan na nila ang sinasabing  person of interest.

Samantala, nang kunan ng salaysay si Michael Gubat, ama ng biktima, na may pinaghihinalaan din siya na pumatay sa kanyang anak ngunit tumanggi muna itong pangalanan dahil sa kawalan ng ebidensya.

Natagpuan ang bata sa loob ng timba na halos wala pang kalahati ang lamang tubig at may takip pa umano, ayon sa mga magulang ng biktima base sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng mga pulis. VERLIN RUIZ

Comments are closed.