NAGLUNSAD ang Department of Health (DOH) nitong Sabado ng dalawang araw na national health fair sa Quezon Memorial Circle upang hikayatin ang mga tao na magpatibay ng mas malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng mga immersive booth, demonstrasyon, at talakayan ng mga eksperto.
Isinusulong ng DOH ang pitong healthy habits tulad ng pagkilos o move more, pagkain ng tama; maging malinis, mamuhay nang matatag; magpabakuna; huwag manigarilyo, umiwas sa alak, umiwas sa droga; alagaan ang sarili, alagaan ang iba; magsanay ng ligtas na pakikipagtalik; do not harm, at safety first.
Nagkaroon ng libreng screening para sa tuberculosis, breast cancer, at HIV.
Nagbigay ng libreng bakuna para sa COVID-19, gayundin ang tigdas, rubella at polio.
Samantala, hiniling ni DOH Undersecretary Enrique Tayag na kailangang manatiling polio-free, umiwas sa pneumonia o komplikasyon ng tigdas na pawang maiiwasan kung magpapabakuna ang mga bata.
Nakatutok ngayon ang kagawaran sa routine immunization ng mga bata kasunod ng pagbaba nito dahil sa COVID-19 pandemic.
Ayon naman kay Health Undersecretary Beverly Ho, ang fully-immunized child coverage rate sa bansa ay bumaba sa 67 percent noong 2022, mula sa karaniwang mahigit 70 percent sa mga nakaraang taon.
“Last year ang lowest natin in the decade. Dahil dito, at-risk ‘yung mga bata na magkaroon ng measles or polio outbreak kaya kailangan nating habulin ‘yung bakuna natin diyan,” dagdag ni Ho.
Sa buong buwan ng Mayo ay magsasagawa ang DOH ng measles, rubella at polio supplemental immunization campaign sa buong buwan ng Mayo.