CAVITE – DALAWANG kawatan na ginagamit ang Facebook para sa extortion activities ang nasakote ng mga tauhan ng pulisya sa entrapment operation sa bahagi ng Barangay Tejeros Convention sa bayan ng Rosario kamakalawa ng hapon.
Hindi na nakapalag nang posasan ng arresting team ng pulisya ang mga suspek na sina John Diego Lavintes, 21, at Mark Anthony Santos, 20, kapuwa nakatira sa Barangay Pinagtipunan sa General Trias City.
Sa ulat ni P02 Ahvegail Darang na naisumite sa Camp Pantaleon Garcia, lumilitaw na sinikwat ng mga suspek ang cellphone ng 26-anyos na biktimang si Gladys Alvarez noong nakalipas na linggo.
Gayunman, ilang araw ang nakalipas ay nakipag-ugnayan ang mga suspek sa biktima sa pamamagitan ng pekeng Facebook account sa ilalim ng pangalang “Bianca Sulidad” para maibalik ang cellphone pero may kapalit na P8,800.
Pinagbantaan din na papatayin ang biktima kapag hindi sumunod kaya walang nagawa ang dalaga at nagpadala ng pera sa pamamagitan ng money transfer.
Nang makuha na ang pera na ipinadala ay muling nakipag-ugnayan ang mga suspek sa pamamagitan ng Facebook at muling humingi ng P8,800 kapalit ng cellphone.
Dito na nakipag-ugnayan sa pulisya ang biktimang staff nurse na lingid sa kaalaman ng mga suspek ay inilatag na ang entrapment operation sa pangunguna ni Supt. Bonifacio Bosita.
Ayon pa sa ulat, lumilitaw na nakipagkita ang biktima sa mga suspek sa pinag-usapang lugar at nang iabot ang malaking halaga na marked money ay dito inaresto ng pulisya ang dalawa. MHAR BASCO