NAKUMPISKA sa dalawang hinihinalang drug personalities ang mahigit P1.2 milyon halaga ng shabu matapos masakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City kahapon ng umaga.
Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Ramchrisen Haveria Jr. ang naarestong mga suspek na sina Gerhel Jumawan alyas “Dahn-Dhan”, 36-anyos at Jeorge Javier alyas “Jay-Jay”, 35-anyos, kapwa ng 571 Ignacio Comp. Sta Queteria, Caloocan City.
Sa report ni Col. Haveria kay Northern Police District (NPD) Director BGen. Jose Santiago Hidalgo Jr., dakong ala-5:40 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt Joel Madregalejo ng buy-bust operation sa Gen. T De Leon Road (beside Corinthian School), Brgy. Gen T De Leon.
Matapos matanggap ang pre-arranged mula kay SSg Robbie Vasquez na umakto bilang poseur-buyer na hudyat na nakabili na siya ng shabu sa kanilang target ay agad lumapit ang back-up na sina Cpl Maverick Jake Perez at Cpl Noriel Boco saka inaresto ang mga suspek.
Ayon kay SDEU investigator Cpl Pamela Joy Catalla, nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 185 gramo ng shabu na may standard drug price P1,258,000.00, buy bust money na isang tunay na P500 bill at 15 pirasong P500 boodle money, P1,500 cash, asul na sling bag at cellphone.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. EVELYN GARCIA