COTABATO CITY- PATAY ang isang sundalo na driver security ng isang Army officer na nakaligtas naman nang tambangan kamakalawa ng gabi sa lalawigang ito.
Sa ulat ng militar at local PNP , naganap ang pananambang ng mga hindi pa nakikilalang suspek dakong alas-7 kamakalawa ng gabi sa Sinsuat Avenue, Rosary Heights 9 habang sakay ang mga biktimang ng isang kulay pulang SUV.
Hinihinalang sadyang target ng pamamaril ang nakaligtas na si Lt. Col. Maniago Balayman Macalantagui na nakatalaga sa Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity (OPAPRU) sa Cotabato City.
Napuruhan naman ang driver nitong si Army Corporal Ramil Upam Laguioman ng 6th Infantry Division CMO Battalion na naka base sa PC hill, Barangay Rosary Heights 1, Cotabato City.
Nagawa pang maisugod sa Notre Dame Hospital ang mga biktima pero idineklarang dead-on-arrival si Laguioman.
Narekober sa crime scene ang pitong cartridges na pinaniniwalaang mula sa kalibre 45 baril at tatlong piraso ng bala.
Nagsasagawa nang follow-up investigation sa insidente ang mga awtoridad para sa kakikilanlan ng mga suspek na mabilis na nakatakas.
Hiniling ng mga imbestigador na makuha ang CCTV footage mula sa mga kalapit na establisimiyento na maaaring makatulong sa imbestigasyon. VERLIN RUIZ