2 ARMY OFFICERS PATAY SA NAGWALANG SUNDALO

DAVAO DEL NORTE-DALAWANG Philippine Army officers ang nasawi habang isa pang opisyal ang nasugatan nang biglang mamaril ang isang sundalo sa loob mismo ng kanilang kampo kamakalawa ng hapon.

Sa inisyal na ulat isang sundalo na hinihinalang may war shock ang namaril bigla sa loob ng 10th Civil Military Operation Camp na nasa ilalim ng Army 10th Infantry “Aguila” Division sa Brgy. San Agustin, Tagum City bandang ala-6:45 kamakalawa ng hapon.

Kinilala ang naghurumentadong sundalo na si Staff Sergeant Arvin D Bureros, isang organic personnel ng 10CMO Battalion na sumigaw umano ng “Taposon na nato ni” (Let us finish this) habang naglalakad sa harapan ng ilang sundalo.

Bigla umanong pinaputukan ni Bureros gamit ang kanyang service firearms na R4 rifle ang harapan ng tindahan na may limang metro lamang ang layo kaya agad na nahagip sina Major Franklyn Embat, Battalion Executive Officer;at TSg Sandato Tuma, Battalion Sergeant Major.

Nagawa pang makipag- agawan ni Maj. Mineheart Maliawao, Battalion S1 sa baril sa suspek kaya napigilan ang pagpapaputok nito.

Tinangkang awatin ng iba pang sundalo si Bureros subalit nakita nilang may nakasukbit pa itong Glock pistol kaya nakatakas.

Kapwa idineklarang dead on arrival ng attending physicial ng Tagum Doctors Hospital at Davao Regional Medical Center sa Tagum City sina Embat at Tuma sanhi ng tama ng punglo sa ibat ibang bahagi ng katawan.

Si Maliawao naman ay nagtamo ng mga gasgas at sugat na dinala sa Mission Hospital ng Tagum City at nasa maayos ng kondisyon.

Agad ding sumuko si Bureros sa mga opisyal ng Brgy. San Agustin na siyang naghatid sa kanya sa Tagum Police Station . VERLIN RUIZ