NAKATAKDANG mag-courtesy call ngayong hapon kay Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang atletang Filipino na kapwa nakasungit ng gold medals sa sinalihang world competition noong nakaraang linggo.
Ito ang inanunsiyo ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa ginanap press briefing sa Malakanyang.
Sina Gymnast Carlos Edriel Yulo na nakasungit ng first-ever gold medal sa ginanap na 49th Artistic Gymnastics World Championship, at Nesthy Petecio, na nakakuha rin ng gold medal sa Women’s World Boxing Championship featherweight division ay personal na babatiin ng Pangulong Duterte sa kanilang naiuwing karangalan para sa bansa sa larangan ng palakasan.
Tinalo ni Yulo ang pitong iba pang finalists sa men’s floor exercise crown na ginanap sa Hans Schleyer Halle sa Stuttgart, Germany noong nakaraang Sabado.
Habang si Petecio naman ay tinalo ang hometown bet ng Russia na si Liudmila Vorontsova sa kanilang laban noong Linggo. EVELYN QUIROZ