$2-B INDUSTRIAL PARK SA CLARK LILIKHA NG MARAMING TRABAHO

NANINIWALA ang Department of National Defense (DND) na makabubuti sa sektor ng pagnenegosyo ang nakatakdang pagtatayo ng China ng isang industrial city sa lugar na dating sakop ng US Air Force Base sa Clark.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang China ay magtatayo ng P105.2-billion New Clark City na inaasahang lilikha ng mara­ming trabaho para sa mga Filipino.

“Maybe it is good, because they will put up an industrial park there and put up manufacturing. It will generate a lot of jobs,” pahayag ni Lorenzana.

Nabatid na kamakailan ay lumagda ang China Gezhouba Group sa isang memorandum of understanding (MOU) para sa pagtatayo ng industrial park sa Clark.

Ang nasabing MOU ay pinirmahan ni Chinese President Xi Jinping nang bumisita ito sa bansa noong nakaraang linggo at kabilang sa 29 bilateral agreements na nilagdaan ng Filipinas at China.

Kaugnay nito, sinabi ni Lorenzana na wala siyang nakikitang problema sa pagtatayo ng Industrial park ng China sa dating US Air Force Base sa Clark .

Aniya, walang dahilan para magkaroon ng isyu, lalo na sa seguridad ukol dito dahil ang pinag-uusapan lamang dito ay negosyo.

Sinabi pa ng kalihim na mga negosyanteng Chinese lamang ang tutungo sa Clark at hindi ang Chinese military.

Napag-alaman na sa ilalim ng proyekto, ang New Clark City ay magiging bahagi ng Clark Freeport and Special Economic Zone kung saan sakop nito ang Angeles City, Mabalacat at Porac sa Pampanga at ang Capas at Bamban sa Tarlac.

Nabatid pa na ang nasabing proyekto ang isa sa pinakamalaking infrastructure projects ng administrasyong Duterte sa ilalim ng ‘Build Build Build’ program. VERLIN RUIZ

Comments are closed.