LAGUNA – ARESTADO sa buy bust operation ng Provincial Intelligence Branch (PIB) at ng Biñan PNP ang itinuturong dalawang babaeng drug pusher kasunod ang pagkakumpiska ng malaking halaga ng shabu sa Brgy. Sto. Domingo, lungsod na ito kamakalawa ng gabi.
Sinasabing sa pamamagitan ng isa sa nabanggit na elemento ng PIB na nagpanggap na buyer, agarang naaresto ng mga ito ang dalawang suspek na kinilala ni Supt. Danilo Mendoza, hepe ng pulisya na sina alyas Mira,18-anyos, tubong Marawi, City at isang Diana Zaragoza,pawang mga residente ng Brgy. Poblacion, lungsod ng Muntinlupa.
Lumilitaw na nagsagawa ng buy bust operation si Mendoza, PIB Chief PCI Ryan Jay Orapa at kanilang mga tauhan dakong alas-10:15 ng gabi matapos makarating sa mga ito ang impormasyon kaugnay ng pagtutulak umano ng malaking halaga ng droga ng mga suspek sa isang jeep terminal sakop ng nasabing barangay.
Matapos ang transaksiyon sa pagitan ng pulisya at ng mga suspek, agarang isinagawa ng mga ito ang pag-aresto kasunod ang pagkakumpiska sa 15 medium size plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu sa suspek na si Almira habang 5 medium plastic sachets naman kay Zaragoza habang nakalagay sa kanilang handbag na may kabuuang 20 medium plastics na tinatayang aabot umano sa mahigit na P100,000 street value.
Kaugnay nito, pinabulaanan naman ng mga suspek sa harap ng pulisya ang akusasyon kung saan sinasabing napag-utusan lamang umano ang mga ito ng kanilang kakilala na ipasa na lingid sa mga ito na tulak pala ito ng droga.
Bukod sa nakumpiskang malaking halaga ng shabu sa mga suspek, halagang P5,000 na hinihinalang drug money ang kanilang nakumpiska kabilang ang buy bust money na P1,000.
Kapwa nahaharap sa paglabag sa Section 5 and 11 of RA-9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspek kung saan kasalukuyang nakapiit ang mga ito sa Biñan City PNP Lock Up Cell. DICK GARAY
Comments are closed.