MAGANDA ang naging regalo para sa Araw ng mga Puso dahil nakatakda ng sumabak sa operasyon ang dalawang bagong tren ng Philippine National Railways (PNR) na inaasahang malaki ang magiging pakinabang sa mga regular na manggagawang mananakay.
Ayon kay PNR General Manager Junn Magno, nakumpleto na ang mga bagong bagon ng tren na idineploy sa PNR depot kahapon, Biyernes, Pebrero 14, sa Tutuban sa Maynila.
Inaasahan naman na mabibigyang serbisyo ito sa higit libong mga mananakay na mula Tutuban hanggang Alabang Station.
Ang mga bagon ay inangkat pa mula sa Indonesia na walong 8100 series ng diesel multiple units (DMU) rail cars o bagon na binuo sa dalawang train set na may tig-apat na bagon.
Ito rin ay fully air conditioned, maliwanag ang mga security feature sa loob ng tren gaya ng CCTV, safety signages at iba pa.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng 2018 train procurement ng PNR na layong makapagserbisyo ng marami pang pasahero at madagdagan pa ang skedyul ng biyahe.
Bago ito umarangkada, sasailalim muna ito sa validation test sa loob ng unang 150 oras na aabot sa sampung araw.
Magkakaroon naman ng libreng sakay habang isinasagawa ang validation test sa dalawang tren.
Sa kalagitnaan ng taon, inaasahan na madaragdagan pa ng dalawang tren para sa libo-libong pasahero. PAUL ROLDAN
Comments are closed.