PALALAKASIN ng bagyong may international name na Soulik ang hanging habagat sa Filipinas na magiging sanhi ng malakas na pag-ulan sa bansa.
Ito ang inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) kahapon.
Ayon sa PAGASA, may layo ang bagyong 1,870 kilometers (km) silangan ng dulong Northern Luzon, sa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR), na may lakas ng hanging 125 kilometers per hour (kph) malapit sa gitna at bilis na 155 kph.
Gumagalaw ito patungong kanluran northeast sa bilis na 10 kph.
Sinabi pa ng PAGASA, palalakasin ni Soulik ang habagat kaya magkakaroon ng malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, CAR, Caga-yan Valley Region, Western Visayas, Zambales, Bataan, Cavite, Batangas, Mindoro, at Palawan.
Kaya’t nagbabala ang PAGASA sa mga residenteng malapit sa mga lugar na binabaha na mag-ingat at maging mapagmatyag sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Samantala, magiging maulap at maulan din umano ang ilan pang bahagi ng bansa.
Dagdag pa ng PAGASA, may mino-monitor silang isa pang bagyo na may international name na Rumbia sa labas din ng PAR.
Naispatan si Rumbia may 1,395 kilometro sa north-northwest ng dulong Northern Luzon, na gumagalaw patungong kanluran sa bilis na 15 kph. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.