CAVITE – SA hindi inaasahang pagkakataon ay nagkabangaan ang dalawang barko habang naglalayag sa karagatang sakop ng Cavite City noong Miyerkules ng gabi.
Sa inisyal na ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagkasalpukan ang motor tanker na Rich Rainbow na nakarehistro sa Panama at ang bulk carrier na Ivy Alliance na nakarehistro sa Marshall Islands.
Naganap ang insidente dakong alas-9:50 ng gabi nang makatanggap ng tawag Coast Guard Station Cavite kaugnay sa sea collision na agad na nirepondehan ng grupo ng Coast Guard Sub-Station Cavite City katuwang ang Coast Guard Sub-Stations Noveleta at Kawit.
Nabatid na ang Rich Rainbow na kargado ng gasolina ay patungong China habang ang Ivy Alliance naman na kargado ng coal mula sa Indonesia patungong Pinas nang maganap ang banggaan sa nasabing karagatan.
Agad nakarating sa kaalaman ni Commodore Leovigildo Panopio, Commander ng PCG District National Capital Region – Central Luzon (NCR – CL), kaya’t pinakilos nito ang personnel ng Coast Guard Station Manila katuwang ang Special Operations Group (SOG) at Marine Environmental Protection Unit (MEPU) ng PCG District NCR – CL na pawang lulan ng BRP Malabrigo (MRRV-4402).
Ligtas naman ang mga tripulante ng dalawang barko at walang naiulat na tumagas na langis sa nasabing karagatan.
Inaantabayanan ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang disposition ng dalawang shipping companies habang ang Coast Guard Station Cavite ay hinihintay ang availability ng technical experts na magsasagawa ng marine casualty investigation. MHAR BASCO
Comments are closed.