NASAKOTE ng Valenzuela Police ang limang drug personalities, kabilang ang dalawang bebot matapos makuhanan ng nasa P170,000 halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation kahapon ng madaling araw.
Bandang ala-5 kahapon ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni Lt. Joel Madregalejo ng buy bust operation sa San Vicente St., Brgy. Karuhatan na nagresulta sa pagkakaaresto kay Jeric Alolod, 24-anyos at Bernadette Elejorde, 30-anyos, kapwa residente ng 610 Tangele St., Bancal Ext., Meycauyan, Bulacan.
Narekober sa kanila ang nasa limang gramo ng shabu na may standard drug price P34,000, P300 marked money, P100 cash at cellphone.
Nauna rito, bandang alas-2:30 ng madaling araw nang respondehan ng kabilang team ng SDEU sa pangunguna ni Lt. Doddie Aguirre ang natanggap na tawag mula sa concerned citizen hinggil sa nagaganap na illegal drug activities sa Pacheco Bypass Road, Brgy. Lawang bato na nagresulta sa pagkakaaresto kay Perlito Cuizon Jr., 41-anyos at Richelle Puno, 35-anyos, therapist matapos maaktuhang nag-aabutan ng shabu.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 10 gramo ng shabu na nasa P68,000 ang halaga, cellphone, P600 cash at motorsiklo.
Nakuhanan din ng aabot sa 10 gramo ng shabu na nasa P68,000 ang halaga at P30O cash ng isa pang team ng SDEU sa isinagawang validation sa Agapita St., Brgy. Gen T De Leon, bandang alas- 11:20 kamakalawa ng gabi si Christopher Borbe alyas “Tetet”, 35-anyos.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. VICK TANES