ARESTADO ang dalawang babaeng tulak matapos magbenta ng ilegal na droga at makumpiskahan ng aabot sa P19,720 halaga ng shabu sa ikinasang na buy bust operation sa Malabon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang mga suspek na sina Charlene Sapio alyas “Chacha”, 25-anyos, vendor ng Brgy. Baritan at Jasmine Lopez, 27-anyos, manicurist ng Brgy. Tañong.
Ayon kay Barot, dakong alas-9:30 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa C4 Road, Brgy., Tañong matapos ang natanggap na impormasyon mula sa kanilang impormante hinggil sa pagbebenta ng shabu ng mga suspek.
Nakipagtransaksyon sa mga suspek ng P500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagsilbing poseur-buyer.
Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poser-buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba.
Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 2.9 gramo ng shabu na may standard drug price P19,720.00 at marked money.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act.
VICK TANES