IBINASURA ng Sandiganbayan ang hirit na makapagpiyansa sina dating Immigration deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles kasama si retired police Wally Sombero na kinasuhan dahil sa P50 milyon bribery scandal sa Bureau of Immigration.
Nakasaad sa 48 pahinang resolusyon ng Sandiganbayan sixth division na hindi nararapat na magpiyansa ang tatlong akusado dahil mabigat ang mga ebidensiya ng prosekusyon upang litisin ang mga ito sa kasong plunder na isa ang non-bailable offense.
Una nang iginiit ng mga akusado sa kanilang petisyon na mahina ang mga ebidensiya laban sa kanila dahil ang P50 milyon na suhol ay kinuha umano nila bilang ebidensiya lamang laban sa casino king na si Jack Lam at hindi para ibulsa.
Gayunman, hindi kumbinsido rito ang Sandiganbayan lalo pa at tinanggap nina Argosino at Robles mula kay Sombero ang milyong pisong halaga sa labas ng opisina.
Iginiit din ng Sandiganbayan na dapat nanatiling buo at hindi hinati sa tatlo ang naturang salapi.
Mismong sina Argosino at Robles din ay umamin na tinanggap nila ang P50 milyon mula kay Sombero. TERESA CARLOS
Comments are closed.