WALANG perpekto sa paghawak ng pera subalit maaaring pag-aralan ito at makaiwas sa huge mistakes lalo na, upang hindi mabangkarote.
Upang hindi magsisisi sa huli, tinukoy ng PILIPINO Mirror ang dalawang malaking pagkakamali sa paghawak ng pera at nawa’y mabigyan ng ideya ang mga negosyante at mga nagsisimula pa lamang na magnegosyo.
- Ang unang pagkakamali, PINAGSAMA MO ANG IYONG PERSONAL MONEY AT BUSINESS MONEY
Kapag magkasama ang dalawang uri ng pera, hindi mo namamalayan na nagagastos mo ang perang pang-negosyo sa iyong personal na pangangailangan.
Kaya para makaiwas ito, kung ikaw ay isang small entrepreneur, dapat mayroon kang dalawang wallet o dalawang taguan ng pera.
Ang unang taguan ng pera ay para sa iyong personal na expenditure o pinagkakagastusan.
Kung ikaw ay pamilyado, ang unang pinagtatagunan ng pera ay dapat hatiin din sa gastusing personal gaya ng pagkakaroon ng gastos sa pagkain, utility bills, pagpapaaral ng mga anak, at transportasyon.
Ang iyong personal money ay dapat hatiin din para sa pagpapa-pamper sa sarili upang kahit stressful ang iyong negosyo, makabawi naman sa sarili.
Nabanggit na rin namin dito sa PILIPINO Mirror na dapat mayroon kang savings sa sarili mo para kung nais mong bumili ng kagamitan o kaya naman ay dagdag investment sa iyong negosyo.
Dahil isa kang negosyante, dapat din ay sinusuwelduhan mo rin ang iyong sarili gaya ng kung paaano mo binibigyan ng sahod ang iyong staff.
Sa iyong suweldo, maaari mo ring pagbukod-bukurin ito.
- Pangalawang malaking pagkakamali, HINDI KA NAGRE-RECORD
It’s a no – no na hindi mo inire-record ang pagpasok at paglabas ng iyong pera sa negosyo at maging sa personal money.
Kahit pa kampante ka sa memory mo, kailangan pa rin mayroon kang book keeping o pagre-record.
Ito ay upang matukoy agad kung ang araw o kada linggo mong pagenenegosyo ay kumikita.
Matutukoy mo rin kung anong panahon ang mataas ang iyong kita at mababa.
Kung ikaw ay nasa selling, malalaman mo rin kung anong produkto ang malakas sa tukoy na panahon o hindi.
Dahil diyan, magiging bahagi ito ng iyong business strategy kung paaano daragdagan ang volume ng iyong paninda.
Huwag isiping maliit ang negosyo para hindi mag-record, dahil iyan ang magiging batayan mo para palakihin pa ang iyong negosyo.