NA-INTERCEPT ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang babae na pinaniniwalaan biktima ng human trafficking.
Ayon sa report naharang ang mga ito sa dalawang magkakahiwalay na insidente noong Pebrero 4 at 5 pagdaan sa secondary inspection sa may departure area ng airport.
Hindi muna ibinunyag ang pagkakilanlan ng mga biktima sapagkat ito ay mariin na ipinagbabawal sa ilalim ng Inter-agency against human trafficking kung saan may kaakibat na kaparusahan ang lalabag nito.
Ayon sa mga tauhan ng BI’s travel control and enforcement unit, naharang ang isa sa biktima habang pasakay sa kanyang Emirates flight papuntang Saudi Arabia.
At ang isa nasakote habang on board sa kanyang Philippine Airlines flight papuntang Singapore.
Nakuha sa dalawa ang mga pekeng Overseas Employment Certificate (OEC) na ibinigay ng isang fixer kapalit ang P85,000 na siyang nag-facilitate sa kanyang flight schedule.
Ang dalawa ay agad na inilipat sa pangangalaga ng Inter-agency against human trafficking (IACAT) upang mabigyan ng kaukulang tulong. FROILAN MORALLOS