2 BINATILYO NASAGIP SA PAGKALUNOD

BATAAN- ISA ang naiulat na nawawala at pinaghahanap pa habang dalawang kabataan ang nasagip matapos tangayin ng malakas na alon habang naliligo nitong Linggo ng tanghali sa Asul Beach Resort, Aplaya sa karagatang sakop ng Barangay Nagbalayong, Morong.

Sa inisyal na ulat ng pulisya, dakong alas-11 ng tanghali nang maganap ang insidente.

Kinilala ni Bataan Police Director Col. Romell Velasco ang mga nasagip na kabataan na sina Judilyn Mabag at Jeff Nobleza, kapwa 16-anyos habang pinaghahanap ang nawawalang nilang kasamahan na si Rodel Coztuna, 20-anyos na mga residente ng Barangay Catmon, Malabon City.

Batay sa ulat, katatapos lang daw magsagawa ng pagbibinyag sa dagat sa mga bagong miyembro ang kinaaaniban nilang religious group nang magkatuwaang maligo sa dagat ang mga kabataan ng tangayin sila ng malakas na alon.

Tiyempong napadaan ang banana boat operator na si Enar Mendoza nang mapansin nito ang mga nalulunod na kabataan na nasa malalim na parte ng dagat kaya agad nitong sinaklolohan.

Masuwerteng nasagip ang dalawang kabataan maliban kay Coztuna na nilamon ng malaking alon at tuluyang lumubog sa malalim na bahagi ng dagat.

Gayunpaman, patuloy pang pinaghahanap pa ng rescuers ng Philippine Coast Guard (PCG) at PNP Maritime Group ang nawawalang biktima. ROEL TARAYAO