PATI mga broker ngayon sa pantalan ay nananawagan sa isang religious group na kumilos laban sa umano’y lantarang paggamit sa kanilang pangalan ng dalawang matataas na opisyal ng Bureau of Customs (BOC) para lamang manatili sila sa puwesto.
Ayon sa source, simula nang lumabas sa media ang umano’y paggamit sa pangalan ng nasabing religious group ng mga opisyal na sina BoC Customs Deputy Commissioner Teddy Raval ng Enforcement Group at Deputy Commissioner Vener Baquiran ng Revenue Collection and Monitoring Group (RCMG), lalo pang dumami ang nag-aalsa ngayon para manawagan sa nasabing religious group.
Isinusulat ito’y wala pang direktang sagot sina Raval at Baquiran para itanggi ang diumano’y paggamit nila sa pangalan ng naturang religious group.
Nabatid na sa kagustuhan umano ng dalawang opisyal na manatili sa puwesto sa BOC sa gitna ng nalalapit na pagpasok ng Marcos administration, palagi umanong ipinagmamalaki ng mga ito ang nasabing relligious group na umano’y kanilang mga padrino.
Dahil dito, maging ang mga maliliit at malalaking brokers sa BOC ay nagsasabing ito rin ang naririnig nila hinggil sa paggamit at pagsira sa pangalan ng naturang religious group.
Para sa isa pang broker, hindi dapat manahimik ang nasabing religious group hinggil sa isyu laban sa dalawang opisyal lalo na kung makasisira ito sa kanilang magandang pangalan.
Ang pagdawit sa pangalan ng dalawang opisyal ay unang naglabasan sa media matapos magalit ang ilang BOC employees hinggil sa naririnig nilang balita na pilit kumakapit sa puwesto sina Baquiran at Raval.
Hanggang sa kampo ni incoming President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ay ipinararating umano ng dalawang opisyal na ‘bagyo’ at sila ang ‘manok’ ng nabanggit na religious group kaya hindi sila dapat maalis sa puwesto sa BOC.
Sinasabing karamihan ngayon sa mga Customs broker ay galit din sa dalawang opisyal dahil ang palaging binibigyan nila ng pabor ay ang mga naghaharing uri ng broker na kilala lamang sa alyas na Teves brothers.
Bukas naman ang pahayagang ito sa maaaring ibigay na tugon, sagot, reaksiyon at komento nina Raval at Baquiran.