PARAÑAQUE CITY – TIMBOG ang dalawang bogus broker sa isinagawang joint entrapment operation ng Customs Intelligence Group (IG) at National Bureau of Investigation (NBI), sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ayon sa Bureau of Customs, nakatanggap ng reklamo ang kanilang tanggapan hinggil sa umano’y pangingikil ng dalawang katao na nanghihingi ng kalahating milyon kapalit ng pag-release ng kargamento na naka-onsigned sa Shacka Guns and Ammo na napigil naman sa Ninoy Aquino Interna-tional Airport (NAIA).
Matapos matanggap ang impormasyon, agad na nakipag-ugnayan ang customs IG sa NBI Special Action Unit (SAU) para sa sinumpaang pahayag ng mga complainant.
Nang makapagbigay na ng salaysay ang mga complainant, nakatanggap ng mensahe mula sa mga suspek na nag-ayos ng meeting sa isang restaurant sa Quezon City kaya sinamantala naman ang pagkakataon ng IG at NBI at ikinasa ang entrapment operation.
Kasama ang mga complainant, agad pinuntahan ang lugar at inabutan ang mga suspek na sina Atty. Roberto D. Geotina at Nancy Nuguid saka inaresto matapos tanggapin ang marked money.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi opisyal ng BOC ang dalawa kundi mga “bogus brokers” na nais lamang mangikil ng pera sa BOC stakeholders.
Ayon naman kay Atty. Emeterio A. Dongallo, Jr., chief NBI SAU, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang malaman, mahuli at makasuhan ang iba pang personalidad na kasama sa umano’y pangingikil.
“We will not tolerate extortion and all forms of corruption in the Bureau. Customs will be cooperating with the NBI on their investigation. If any Customs officer is involved in this extortion, or any other illegal activities, we will make sure that they are prosecuted accordingly,” ani Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero
Dagdag pa ni Atty. Dongallo, na sasampahan din ng karagdagang kasong estafa ang dalawang suspek.
“Let this serve as a warning to those officers who unlawfully hold shipments in order to blackmail legitimate businesses and individuals for money. The Bureau will do everything in its power to rid the organization of corruption,” ayon pa sa komisyuner. PAUL ROLDAN
Comments are closed.