MAGUINDANAO-DALAWANG terrorist bomber na kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang napatay matapos mang-agaw ng baril nang masakote sa isinasagawang joint AFP-PNP counter terrorism operation sa Rajah Buayan ng lalawigang ito.
Batay sa ulat, naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina Rasul Dubpateg at Bhadz Dupbale dahil sa pagkakasangkot sa mga serye ng pambobomba sa Cotabato City at Central Mindanao dakong alas-10:00 ng umaga nitong Huwebes.
Sakay ng police patrol car ang dalawang suspek patungong Maguindanao Provincial Police Office nang tangkain ng mga ito na agawin ang baril ng mga katabing pulis.
Dahil sa nanlaban, napilitan barilin ng mga awtoridad ang mga suspek at isinugod sa Maguindanao Integrated Provincial Health Office ngunit kapwa nalagutan ng hininga bago pa malapatan ng lunas.
Sa ulat ni Bangsamoro Autonomous Region Regional Director Brig.Gen. Samuel Rodriguez kay PNP Chief Gen. Debold Sinas, ang dalawang suspek ay mga miyembro ng Dawlah Islamiya Hasan Group at core members ng BIFF Karialan-Bungos Faction ay kapwa sangkot sa pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, isa sa Midsayap North Cotabato at pambobomba sa Southseas Mall sa Cotabato City. VERLIN RUIZ
Comments are closed.