2 BRONZE SA POOMSAE TEAMS

POOMSAE TEAMS

JAKARTA – Ipinagkaloob ng Philippine poomsae teams ang ­unang dalawang medalya ng Filipinas sa 2018 Asian Games dito.

Matikas na nakihamok ang men’s at women’s poomsae squads bago nagkasya sa bronze medals makaraang yumuko sa magkahiwalay na katunggali sa semifinals ng taekwondo team poomsae event.

Nabigo sina Rodolfo Reyes Jr., Dustin Jacob Mella at Jeordan Dominguez kina Yuxiang Zhu, Mingda Hu at Tingfeng Deng  ng China sa semis.

Natalo rin sina Janna Dominique Oliva, Juvenile Faye Crisostomo at Rinna Babanto kina Yeowon Gwak, Dongah Choi at Jaeeun Park ng Korea.

Ginamit ng mga Pinoy ang lahat ng kanilang nala­laman subalit bigo na mapabilib ang mga judge at ibi­nigay ang panalo sa China.

“Hard luck. We lost in the semifinals, but we are very proud of the teams,” wika ni Philippine Taekwondo Association national head coach Igor Mella.

Positibo pa rin si Mella na mahihigitan ng Pinoy jins ang apat na tanso na nakuha nina Brazil Olympian Kirstie Elaine Alora, Samuel Thomas Harper Morrison, Ronna Levita Ilao, Marie Anjelay Pelaez at Benjamin Keith Sembrano sa nakaraang Asian Games sa Incheon, South Korea.

“The possibility is there. I’m still optimistic they can do it because the tournament has just started and many things will happen along the way. Let’s hope and pray for their success which is also our success as Filipinos,” sabi pa ni Mella.

Ito ang unang pagkakataon na nilaro ang poomsae sa Games tulad ng dragon boat at pencak silat.

Samantala, nagwagi si Jason Patrombon laban kay Nazario Fernandes Gusmao ng Timor Leste, 2-0,  sa lawn tennis na ginanap sa Jakabaring Sports City courts sa Palembang.

Determinado si Patrombon, beterano ng Asia Oceania Davis Cup at SEA Games, at ang kanyang teammates na mahigitan ang dalawang tanso  na nakopo sa 2010 edition sa Guangzhou, China na kaloob nina Cecil Mamiit (singles) at Eric Taino (doubles with Mamiit).

Nalusutan naman ni Hagen Topacio ang malam­yang simula upang umiskor ng 71 points at magtapos na tabla sa ikatlong puwesto, kasama ang anim na iba pa matapos ang unang tatlong rounds ng trap event ng shooting sa Jakabaring Sports City range.

Bigo naman ang women’s volleyball team sa powerhouse Thailand, 22-25, 12-25, 15-24, sa Gelura Bung Karno Volleyball Hall.

Dalawang Filipino riders  ang sasabak sa downhill event ng cycling ngayong araw subalit maaaring isang bisikleta lamang ang kanilang gamitin.

Ang Trek MTB bike ni John Derick Farr, gayundin ni women’s cross country top bet Ariana Thea Patrice Dormitorio, ay ibinibiyahe pa dahil sa aberyang idinulot ng sumadsad na Xia-men Airways Boeing plane sa NAIA noong Biyernes.

“If worse comes to worst, Derick could be borrowing Lea’s [women’s entry Lea Denise Belgira] bicycle for the downhill race tomorrow [Monday],” wika ni Oscar “Boying” Rodriguez, ang MTM commission chairman ng PhilCycling.

CLYDE MARIANO

Comments are closed.