DARWIN, Australia – Nagdagdag ang Filipinas ng dalawang bronze medals mula sa sepak takraw sa 2019 Arafura Games, na pormal na magtatapos ngayong araw rito.
Tinalo nina Dominic James Sagosoy, Aljon Yipon, at Jundy Puton ang India sa men’s doubles, at nagwagi sina Allyssa Bandoy, Josefina Maat, at Gelyn Ebora laban sa Sabah, Malaysia sa women’s doubles, kapwa sa straight sets, sa bronze medal match sa sepak takraw.
Dahil dito ay umangat ang medal output ng Filipinas sa 30 golds, 48 silvers, at 30 bronzes papasok sa huling araw ng kumpetisyon. Gaganapin ang closing ceremonies sa Darwin Waterfront.
Nagkasya ang Philippine sepak takraw sa bronze medal makaraang mabigo ang men’s team sa University Putra Malaysia at yumuko ang women’s squad sa Indonesia sa semifinal round.
Nahigitan ng Filipinas ang 27 gold medals na naiuwi ng bansa noong 2011, subalit umaasang madaragdagan pa ito makaraang umabante ang mga atleta mula sa mga nalalabing sports sa knockout stage ng kani-kanilang kumpetisyon.
Comments are closed.